Kismet: Chapter 2


kismet

Sorry natagalan ako sa pag-update! Sana matuwa kayo dito. And susubukan ko na mas madalas mag-update dito.

Pasanesya na! :)

Disclaimer: This is a work of fiction. Any resemblance to real people and events are purely coincidental. Furthermore, unauthorized use and/or duplication of this material without express and written permission from this blog’s author and/or owner is strictly prohibited. Excerpts and links may be used, provided that full and clear credit is given to PINOY M2M Stories with appropriate and specific direction to the original content. Thank you.

_________________________________________________

Previously on Kismet: Chapter 1

Nalingat ng tingin si Jeric sa kalsada ng marinig niya ang malakas na sigaw ng kaibigan. “Jeric!”

Bigla itong napatingin sa kalsada at nakita ang babae sa harap nila. Agad niyang inapakan ang brake ng taxi pero natumba pa rin ang babae.

Ang lakas ng kabog ng dibdib ni Jeric habang dali-dali silang lumabas ni Rain ng taxi upang tingnan ang kalagayan ng babae.

Nakahinga ng maluwag si Jeric nang makita na medyo malayo pa ang taxi niya sa kinalalagyan ng babae. Marahil ay natumba ito ng dahil sa takot.

“Ok lang po ba kayo?” tanong ni Jeric sa babae.

Bahagyang inangat ng babae ang mukha nito at tiningnan ang naluluhang si Jeric.

Biglang inangat ng babae ang kamay nito at pinahid ang luha sa mukha ni Jeric na ikinagulat naman ng binata.

“Huwag ka nang umiyak. Ayokong nakikitang umiiyak ang anak ko.”

– – – –

“What?!” malakas na sigaw ni Tristan habang nasa loob ng sasakyan kasama pa rin si Mommy Krista. Na-stuck sila sa EDSA dahil sa banggaan.

“What happened?” tanong ni Mommy Krista sa alaga ngunit hindi siya nito pinansin. Halata sa mukha ni Tristan ang galit sa kausap.

“Anong ibig mong sabihin na bigla siyang nawala sa paningin mo? Ano ba ‘yan kasama mo, magician? I am not paying you para lang mawala si Mama!” nagpupuyos sa galit na sigaw ni Tristan. “I swear to God, if anything bad happens to her, idedemanda talaga kita!” patuloy na wika ni Tristan sabay putol ng pag-uusap nila.

“Huminahon ka, hijo. Ano bang nangyari?” nag-aalalang tanong ni Mommy Krista.

“How can I calm down, Mommy? Nawawala si Mama!” wika ni Tristan na naiiyak na sa galit.

Nagulat si Mommy Krista sa narinig. Bigla nitong kinuha ang telepono at may tinawagan.

“Hello, Inspector Cruz, si Krista ‘to. Hihingi lang sana ako ng tulong. ‘Yung mommy kasi ni Tristan,” putol ni Mommy Krista sa sasabihin at tiningnan muna si Tristan na nakayuko at tahimik.  “‘Yung mommy kasi ni Tristan, nahiwalay sa nurse na kasama niya.”

Tumingin si Tristan kay Mommy Krista at  sinusubukang pakinggan ang pag-uusap.

“You don’t understand, inspector. We cannot wait for 24 hours. May sakit ‘yung mommy niya and it’s likely na hindi niya maalala kung paano umuwi sa kanila,” patuloy na wika ni Mommy Krista habang hawak hawak nito ang kamay ng alaga.

“Thank you, inspector for your help. I’ll text you their home address and we’ll meet you there.”

“Anong sabi nila, mommy?” tanong ni Tristan.

“They’ll set up a search mission para mahanap nila agod si Stella,” wika ni Mommy Krista. “Don’t worry, Tristan. Mahahanap natin ang mama mo.”

At doon na bumuhos ang luha ni Tristan na kanina pa niya pinipigilan. Sumandal ito sa balikat ng katabi at patuloy lang sa pag-iyak.

“I can’t lose her. I can’t lose her,” paulit-ulit nitong wika.

Pagdating nila sa bahay ng pamilya ni Tristan ay patakbong lumabas ng sasakyan ang artista at nilapitan ang mga pulis.

“Nakita n’yo na ba siya?” tanong nito sa kanila.

“I’m sorry, sir. Our team are still searching out for him,” tugon ng isa sa mga pulis.

“Almost two hours nang nawawala si mama and you still haven’t found her? Ano bang klase kayong mga pulis!” Galit nitong tugon sa kanya.

Bigla namang nagsalita si Mommy Krista upang humingi ng paumanhin sa tinuran ni Tristan. Thank you for all your help, Inspector. Natatakot na lang talaga si Tristan. Pagpasensyahan n’yo na siya.”

“Ginagawa po naman lahat ng makakaya namin para mahanap siya. Naglabas na rin kami ng BOLO (Be On the Look Out) sa iba pang police stations para kung may makakita kay Mrs. Galvez ay masabihan tayo kaagad. Inalert na rin namin ang mga pulis sa Cavite dahil sabi ni Tristan ay doon daw huling nakita si Mrs. Galvez.”

***

“Saan po ba kayo nakatira?” tanong ni Jeric sa kasama nilang babae habang kumakain sila sa isang fastfood chain sa loob ng mall.

“Edi sa bahay natin,” inosente nitong sagot.

Nagkatinginan lang sina Jeric at Rain. Hindi pa rin nila maintindihan kung bakit ang akala ng babae ay anak niya si Jeric.

“Ano po ba ang pangalan ninyo? May alam po ba kayong tao na pwede naming tawagan para sabihan kung nasaan kayo?” tanong ni Rain sa ginang.

“Stella Galvez ang pangalan ko. Pero bakit ka pa tatawag ng ibang tao e kasama ko naman na ang anak ko,” nagtatakang tanong ni Stella.

Sasagot pa sana si Jeric pero minabuti nila ni Rain na manahimik na lamang dahil baka magwala na naman ang ginang tulad nang unang beses nila itong tanungin tungkol sa pagkakakilanlan nito.

Pagkatapos nilang kumain ay dumiretso sila sa police station para humingi ng tulong. Sinabi nila kay Stella na may bibisitahin lang sila dito kaya sila pumunta para hindi ito matakot at magwala na naman.

Namukhaan ng isang pulis si Stella dahil na rin sa pinadalang picture sa iba’t ibang police station. Agad nitong tinawagan si Inspector Cruz upang ipaalam na nakita na nila si Stella.

***

“Nakita na natin si Mrs. Galvez,” magandang balita ni Inspector Cruz kina Tristan at Mommy Krista. Nakahinga ng maluwag si Tristan nang marinig ang balitang ito.

Hindi mapakali si Tristan habang hinihintay ang pag-uwi ng ina. Gusto nitong masigurado na walang nangyaring masama rito.

Makalipas ang halos dalawang oras ay naiuwi na rin ng mga pulis si Stella sa bahay nila. Agad itong niyakap ni Tristan pagkapasok nito ng bahay.

“Masyado mo naman yata akong namiss Nurse Tristan,” bungad ni Stella sa anak.

Hindi ito sinagot ni Tristan. Napakahigpit pa rin ng yakap nito sa ina na akala niya ay hindi na niya makikita pang muli.

“Alam mo ba Nurse Tristan, nakita ko ang anak ko kanina,” kwento pa ni Stella.

Binigyan lang ito ni Tristan nang isang nagtatakang tingin. Mula nang magkaroon ng Alzheimer’s disease si Stella ay hindi na nito maalala kung sino Tristan. Kung minsan ay ang turing niya rito ay nurse niya. Kung minsan naman ay hindi niya talaga ito mamukhaan at nagsisisigaw dahil hindi niya kilala ang taong kasama niya.

Natanggap na ni Tristan ang kalagayan nilang mag-ina. Noong una ay sobrang sakit sa tuwing hindi siya makilala ng ina. Pero tinatagan na lang niya ang loob niya dahil siya na lang ang inaasahan nito.

Isa rin ito sa dahilan kung bakit hindi siya humihinto sa pag-aartista. Makasarili man kung isipin, hindi niya kaya tagalan na hindi siya nakikilala ng ina kaya mas ginusto pa niya na magtrabaho na lang para wala siya sa bahay. Gayunpaman ay sinisigurado naman nito na kumpleto lahat ng kailangan ng ina.

“Ano pangalan ng anak mo, Stella?” tanong nito sa ina.

“Jeric. Naku Nurse Tristan, sigurado ako na magkakasundo kayo kapag nagkita kayo,” nakangiting kwento ni Stella sa anak na hindi na niya makilala.

Ilang araw matapos ang insidente ay hindi pa rin nalilimutan ng nanay ni Tristan ang tungkol sa lalaking itinuturing niyang anak na nagngangalang Jeric. Hinahabaan na lang ni Tristan ang kanyang pasensya dahil hindi rin naman nito magawang magalit sa kanyang ina. Mas dinadalasan na lang niya ang paglabas para makalimutan ang pinagdadaanan.

Isang araw habang nasa bahay si Tristan at binabantayan ang mama niya na natutulog ay naalala nito ang tungkol kay Jeric. Tumawag ito kay Inspector Cruz at hiningi ang contact details ng lalaki. Sinabi na lang niya na gusto niyang magpasalamat dahil nakita nito ang kanyang ina.

Nang makuha na ni Tristan ang cell phone number ni Jeric ay nagdalawang isip pa siya kung tatawagan niya ito.

Dala na rin ng pagnanais na makilala kung sino ang lalaking kinikilala ng mama niya bilang anak nito ay nagpasya siyang tawagan na si Jeric.

“Hello,” sagot ng lalaki sa kabilang linya.

“Ikaw ba si Jeric?” tanong naman ni Tristan.

“Ah, oo. Saan mo nakuha number ko?” nagtatakang tanong ni Jeric.

“Ako ‘yung anak ni Stella, ‘yung babaeng nakita mo,” tugon ni Tristan.

“Mabuti naman at nakabalik na siya sa inyo.”

“I want to thank you personally. Is there a chance na pwede ka naming puntahan diyan? Hinahanap ka na din kasi ni mama,” patuloy ni Tristan.

“Naku, hindi naman na kailangan ‘yun,” pagtanggi ni Jeric.

“I insist. I want to know the person who took care of mama,” pagpilit ni Tristan.

Hindi na tumanggi pang muli si Jeric. Ibinigay nito ang address ng bahay nila sa kausap.

“Is it okay if we visit you this afternoon?” tanong ni Tristan.

“Ah, sige,” maikling tugon ng kausap.

Pagbaba ng telepono ni Jeric ay agad nitong tinext ang best friend na si Rain upang ikwento ang naging pag-uusap nila ni Tristan.

“Sigurado ka na ba diyan? Baka mamaya malaman pa niya na muntik mo nang mabangga ‘yung nanay niya,” bungad ni Rain ng tawagan niya si Jeric matapos matanggap ang text nito.

“Tumanggi naman ako nung una kaso mapilit, eh. Tsaka mukhang wala pa namang kinukwento sa kanya si Stella,” tugon naman ni Jeric.

“Ikaw bahala. Itext mo lang ako kapag parating na sila para masamahan kita diyan kung sakaling bigla ka na lang bugbugin nun,” natatawang wika ni Rain.

“Kung ikaw kaya bugbugin ko?” natatawa ring sagot ni Jeric.

Alam naman ni Rain na hindi basta-basta patatalo si Jeric. Kahit nung bata pa sila ay palaban na talaga ito. Marahil ay dala ito ng dahilan na nag-iisang anak si Jeric. Alam siguro nito na kailangan nitong maging matatag para sa mga magulang niya.

Agad na naglinis ng bahay si Jeric. Mabuti na lang at hindi siya papasada ngayon araw. Nasa palengke pa ang nanay niya. Nagtitinda roon ng mga gulay at isda ang nanay ni Jeric. Ang tatay naman niya ay nasa kwarto lang nito at nagpapahinga. Mula kasi nang maratay ito sa kama ay hindi na nakabawi ang katawan nito kaya kailangan siyang alagaang mabuti nina Jeric.

“Papa, may bisita po tayo mamaya. Naalala mo ‘yung kinwento ko sa inyo ni mama na babaeng nakita namin ni Rain malapit sa mall? Naibalik na siya sa pamilya niya tapos ‘yung anak niya ay gusto tayong bisitahin. Okay lang po ba?” tanong ni Jeric habang pinapalitan niya ng damit pang-itaas ang tatay niya.

Marahan namang tumango ang tatay nito tanda ng pagpayag.

Magtatanghali na nang makabalik sa bahay nila ang nanay ni Jeric na si Blessy.

“Naku, nakakahiya naman sa kanila. Ang liit-liit ng bahay natin,” sagot nito matapos ibalita ng anak ang pagbisita sa kanila nina Tristan at Stella.

“Kaya nga po nilinis ko na para kahit papaano maganda tingnan,” tugon ni Jeric sa ina.

“Sino ba ‘yung anak ng babae?” tanong ni Blessy.

“Ayun nga po ‘yung hindi ko natanong kanina nung tumawag siya. Eh nung iniwan nang ano naman na po namin si Stella sa police station nung makita naman siya, umalis na rin kami agad kaya hindi na rin namin natanong ‘yung mga pulis,” paliwanag ni Jeric.

Habang kumakain sila ng tanghalian ay hindi maiwasang hilingin ni Jeric na hindi na lang tumuloy sa pagbisita sina Stella at anak nito dahil natatakot siya na malaman nito na muntik na niyang mabangga si Stella.

Bandang alas tres nang magtext ulit ang anak ni Stella na papunta na sila. Binigay ni Jeric ang address ng bahay nila at tinanong na rin nito kung sino ang kausap nito.

“Tristan Galvez,” maikling sagot ng ka-text ni Jeric.

Natigilan si Jeric nang mabasa ang text message. Siya kaya ‘yung sikat na artista? Tanong ni Jeric sa sarili. Pero naisip rin ni Jeric na marami naman ang pwedeng may pangalan na ganun at posible rin na hindi naman iyon talaga ang tunay na pangalan nung artista.

Lampas isang oras na ang nakalipas nang tawagan ni Tristan si Jeric.

“Hello, saan kaya kami pwede magpark dito? Nakikita ko na ‘yung bahay niya kaso wala akong makitang pwedeng pagparkan ng sasakyan malapit sa inyo,” wika ni Tristan sa kausap.

Habang naghahanda sila ni Stella sa pag-alis kanina ay hindi maipaliwanag ni Tristan ang kanyang nararamdaman.

Alam niyang maaari siyang masaktan kapag biglang tinawag na anak ni Stella ang lalaking bibisitahin nila.

“Ah sige sandali lang, ililipat ko lang ‘yung taxi namin tapos doon na kayo pumarada,” tugon naman ni Jeric.

Nakita ni Tristan na lumabas sa bahay ng bibisitahin nila ang isang lalaki na sa tantsa niya ay kasing-edad lamang niya. Nang makita nitong umalis na ang taxi sa tapat ng bahay ay doon na niya ipinarada ang sasakyan nila.

Hinintay muna nilang bumalik ang lalaking kausap bago sila lumabas ng sasakyan.

Nagulat si Jeric nang makita nitong ang Tristan nga na kausap niya ay ang sikat na artista. Hindi rin ito nakaligtas sa mga kapitbahay nila dahil ilang sandali pa lang ay nakapalibot na sa kanila ang mga ito. Ang iba ay kinukunan ng litrato si Tristan habang ang iba ay nakatulala lang at manghang-mangha sa artista napadpad sa kanilang lugar.

Nang makapagpakilala na sa bisita ay inaya na ni Jeric sina Tristan at Stella na pumasok sa bahay nila.

“Pasensya ka na sa mga kapitbahay namin. Hindi lang sila sanay na may pumupuntang sikat na tao sa lugar namin,” paghingi ng pasensya ni Jeric.

“That’s fine,” tugon ni Tristan na may matipid na ngiti.

Si Stella naman ay agad na lumapit kay Jeric. “Kamusta ka na, anak? Miss na miss na kita. Bakit hindi ka na umuuwi sa bahay?”

Ngiti lang ang isinagot ni Jeric kay Stella.

Pagpasok nila ng bahay ay nakaabang na nanay ni Jeric. Halata sa mukha nito ang pagkagulat nang makita ang kasama ni Jeric.

“Stella?”

Bahid ang pagtataka sa mukha ay tinanong ni Jeric ang ina, “Kilala mo siya mama?”

2 thoughts on “Kismet: Chapter 2

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s